100% gawang Pinoy na jeep isinulong ng ACTO

January 16, 2020

PERSONAL na iprinisinta ni Efren De Luna ang transport group Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang modern jeep worth P1.3 million na 100% gawang Filipino kahapon sa Quezon City. 

Kasama ni De Luna sa isang press conference ang ibang mga presidente ng  ACTO sa buong Metro Manila na nagsaad na mas gusto nila ang gawang Filipino na jeep kaysa duon sa mga China made worth P1.9 hanggang P2.6 million.

Ayon sa grupo, huwag ipilit sa kanila ang mas mataas na presyo ng jeep at hayaan na ang mas gusto ng mga drivers at operators sa Filipino units. Anila, world class at compliant sa lahat ng rules and regulations na ipinatutupad ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (DOTr-LTFRB) ang kanilang gustong Filipino jeep.

Sinabi rin ni De Luna  na sa presyong P1.3 million all-in ito at kasama na ang registro, insurance, CCTV, wifi at iba pang requirements ng DOTr at LTFRB.

Nanawagan ang ACTO sa DOTr at LTFRB na huwag silang gipitin dahil sinusunod nila ang lahat ng requirements ng Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).

Umaasa si De Luna at mga regional president ng ACTO na pagbibigyan sila ng DOTr at LTFRB dahil may 2,000 pending order na sila sa buong bansa.