16-anyos dinedma ng bf, uminom ng Zonrox

June 08, 2019

TINANGKANG magpatiwakal ng isang16-anyos na Grade 7 student matapos siyang dedmahin ng kanyang boyfriend kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Kung hindi sa maagap na pagkakasugod sa Valenzuela Medical Center ng biktimang itinago lamang sa pangalang Connie, malamang na tuluyan na siyang nalagutan ng hininga dahil sa pag-inom ng Zonrox bleach, isang uri ng panglinis na may sangkap na sodium hypochlorite.

Batay sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang tangkang pagpapakamatay ni Connie ay nakatanggap siya ng isang liham mula sa isang kaklase na hindi nalingid sa kaalaman ng kanyang boyfriend.

Sinabihan umano ng lalaki ang kasintahan na basahin ang sulat na ipinadala sa kanya ng kaklase subalit tumanggi ang dalagita na naging daan upang hindi na siya pansinin ng boyfriend.

Bunga ng patuloy na pagde-dedma ng lalaki sa kasintahan, nakaranas ng depresyon ang dalagita kaya’t dakong 2 p.m. ay bumili ito ng zonrox bleach sa malapit na tindahan at pagdating sa kanilang tirahan lumaklak ng ilang lagok.

Nagkataon na naroon ang boyfriend ng biktima at nakita niyang kinakapos at hinahabol ng dalagita ang kanyang hininga kaya’t mabilis niyang isinugod ang kasintahan sa pinakamalapit na pagamutan kung saan patuloy siyang ino-obserbahan.