Home>News>Metro>2 holdaper sa lugawan dedo matapos manlaban

2 holdaper sa lugawan dedo matapos manlaban

DALAWANG pinaghihinalaang holdaper ang nasawi nang manlaban umano sa mga awtoridad matapos na mangholdap sa isang lugawan sa Novaliches, Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Inilarawan ang mga napatay na sinasabing robbery hold-up suspects na nasa edad 38- 45, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5’2 at 5’5, kapwa nakasuot ng black pants at jacket, may tattoo na ‘Sige-Sige Sputnik Gang’ sa kanilang mga likuran. Nakatakas ang dalawang kasamahan ng mga napatay na suspek sa kasagsagan ng engkwentro.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Cyril Pereligrino, 23; Joel Saang, 24; Julius Veluya, 38; Jerome Godenez, 25, at Erick Cardenas, 22, pawang mga empleyado ng Mang Alfredo Lugawan sa Old Sauyo St., Bgy. Sauyo, Novaliches.

Sa report ni PSMS Marvin P Masangkay ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-2:50 ng madaling araw (April 21) nang maganap ang engkwentro sa kahabaan ng Gen. Luis St., Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay QCPD Novaliches Police Station 4 Commander, PLt. Col. Richard Ian C. Ang, hinoldap ng apat na suspek ang lugawan at tinutukan ng baril ang mga biktima saka nilimas ang perang nasa kaha na kinita sa maghapon, maging ang mga cellphones at iba pang mga gamit at matapos ay mabilis na sumakay ang mga holdaper sa nakaabang na dalawang motorsiklo at tumakas.

Agad namang nagreport ang mga biktima sa Novaliches Police Station sa nangyaring holdapan kaya mabilis na tumalima ang mga pulis at namataan ang dalawang inilarawan na motorsiklo na sinakyan ng mga suspek.

Dahil dito ay pinara ng mga pulis ang nasabing mga motorsiklo pero sa halip na huminto ay nagpaputok ng baril ang back-rider kaya agad gumanti ng pamamamril ang mga awtoridad at duguang bumulagta ang dalawang suspek na sakay sa isang motorsiklo habang nakatakas naman ang dalawa pang kasamahang holdaper.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team na pinamumunuan ni PLt. Raynold Tabara ang isang red 125cc Motorstar motorcycle na walang plaka, mga basyo ng bala ng baril, cash box na naglalaman ng P2, 476, .38 caliber revolver, Llama 9mm pistol at 3 sachet ng shabu.

Narekober din sa mga holdaper ang umaabot sa P10,000 cash at iba’t ibang brand ng cellular phones na nilimas mula sa mga empleyado ng nasabing lugawan.

Publication Source :    People's Tonight