Home>News>Metro>2 lalaki halinhinang sinamantala dalagita

2 lalaki halinhinang sinamantala dalagita

SINAMANTALA ng dalawang lalaki ang pagkalango sa alak ng kanilang dalagitang kaibigan matapos halinhinan umanong pagsamantalahan Lunes ng madaling araw sa Makati City.

Naaresto naman ng Makati City police ang isa sa dalawang suspek na si Ashley David, 19, ng 298 Almazar St., Bgy. Tejeros, habang tinutugis pa ang isa niyang hindi muna pinangalanang suspek.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Makati Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na inimbita ng dalawa ang Grade 10 na dalagitang estudyante na kanilang kaibigan na sumama sa kanilang mag-inuman sa bahay ng isa sa mga suspek na pinaunlakan naman ng biktima.

Inabot ng hatinggabi sa inuman ang tatlo hanggang malasing ang dalagita at doon na nakatulog sa bahay ng kaibigan.

Dakong alas–3:50 ng madaling araw nang maramdaman na lamang ng dalagita na hinuhubaran na siya ng damit at dahil sa labis na kalasingan, hindi na niya nagawang makapanlaban kaya’t nagawa umano ng mga suspek na halinhinan siyang gahasain.

Nang makauwi ang dalagita, isinumbong niya sa kanyang magulang ang ginawa ng dalawang suspek kaya’t sinamahan siyang maghain ng reklamo sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa isa.

Publication Source :    People's Tonight