2 nagpuslit ng 3 Ipad sa Alabang Center, natiklo

September 11, 2019

WALANG lusot ang dalawang miyembro ng “Salisi Gang” na umatake sa Alabang Town Center makaraang makuha sa kanila ng mga security guards ang tinangay na mga gadgets kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.

Palabas na sa naturang mall sina Peter John Donaso at Joanne Gomez nang harangin sila ng mga security guards makaraang makahingi ng tulong ang tauhan ng The Electronic Boutique na nasa ikatlong palapag ng Alabang Town Center sa Ayala, Alabang na nakapansin sa pagkawala ng tatlong Ipad na may kabuuang halagang P69,980.

Batay sa ulat ng pulisya, abala sa pag-aasikaso ng ibang customer ang mga tauhan ng naturang shop nang mapansin ng isang kawani ang pagkawala ng tatlong Ipad na naka-dsiplay sa kanilang istante.

Kaagad naghinala ang kawani sa dalawang suspek dahil ang mga ito ang pinakamalapit na nakatayo sa istante at kaaga na umalis kaya’t mabilis siyang nagtungo sa exit gate sa unang palapag at humingi ng tulong sa security guard para abangan ang paglabas ng dalawa.

Hindi naman nagtagal ay nakita nila ang mga suspek kaya’t inimbitahan sila ng mga guwardiya sa security office ng mall at dito na natuklasan na nasa loob ng dala nilang bag ang nawalang mga gadgets.
Dinala sa Muntinlupa city police ang mga suspek na parehong nahaharap sa kasong pagnanakaw sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office.