2 students huli sa marijuana

Dalawang high school students edad 16 at 18 na umanoy gumagamit at nagbebenta ng marijuana sa kanilang mga kapwa mag-aaral sa Quezon City ang inaresto ng pulisya matapos na mahuli sa akto ng kanilang guro.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Police Brigadier General Joselito T Esquivel Jr., ang dalawang junior high school students ay binitbit ng mga awtoridad sa kanilang di pinangalanang pampublikong paaralan sa Barangay North Fairview matapos na makapkapan ng 38 sachets ng marijuana.

Batay sa report, dakong alas 9:30 ng umaga nuong Miyerkules, ang class adviser ng dalawang estudyante ay inimpormahan ng kaniyang co-teacher na ang ilan niyang mga mag-aaral ay nakita umano niyang humihithit ng marijuana sa loob mismo ng kanilang silid-aralan.

Dahil dito, sa tulong ng class president ay kinompronta ng guro ang dalawa niyang estudyante na sinasabing  nagdadala ng marijuana at agad namang umamin ang mga ito.

Agad na dinala ang dalawang estudyante sa guidance counselor at doon ay nakumpiska sa kanila ang mga  sachets ng marijuana, at mga paraphernalia na nakasilid sa mga bag nito.