2 sugarol sugatan nang kuyugin ng mga kasugal

December 10, 2018

KAPWA sugatan ang dalawang sugarol matapos masangkot sa gulo habang naglalaro ng iligal na sugal na “cara y cruz” kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Fernando Mangali Jr., 25, ng 34 Governor Pascual Avenue, Bgy. Concepcion, na kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center habang sugatan din ang suspek na si Crisanto Arra, 40, ng 19 Ilang-Ilang St., Talabahan, Bgy. Baritan, makaraang kuyugin ng mga kapwa sugarol.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief Senior Supt. Jessie Tamayao, nagsusugal ng cara y cruz ang dalawa, kasama ang iba pang kalalakihan, nang mangyari ang kaguluhan dakong alas-11:45 ng gabi.

Nawala umano ang salapi ni Arra na nagkakahalaga ng P1,000 sa hilera ng salapi na taya sa sugal at pinagbintangan si Mangali na siyang kumuha sa kanyang pera kaya’t humantong sila sa mainitang pagtatalo.

Humantong sa pagsusuntukan ang argumento ng dalawa hanggang bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima na nakahingi kaagad ng saklolo sa mga kapwa sugarol.

Pinagtulungan namang gulpihin ng mga hiningan ng tulong ng biktima ang suspek hanggang sa dumating na ang nagrespondeng barangay tanod at mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 7 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek subalit hindi nakuha ang patalim na kanyang ginamit sa pananaksak.