2 sunog sa Quezon City, 4 sugatan

Dalawang sunog ang magkasabay na sumiklab sa dalawang barangay sa  Quezon City, nitong hapon ng Martes.

Base sa report ni QC Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez, dakong alas – 4:00 ng hapon nang lamunin ng lumalagablag na apoy ang 500 kabahayan ng may 1,000 pamilya na ikinasugat ng apat na katao kabilang ang isang bumbero sa Brgy. Baesa, QC.

Sa imbestigasyon ni F/Chief Insp. Syrwin Penafiel, nagmula ang sunog sa kusina ng two storey house ni Eddie Lero at dahil pawang gawa sa light materials ay mabilis na kumalat sa mga katabing kabahayan ng mga informal settlers sa Ambuklao Mendez Road, Brgy. Baesa, na umabot sa ‘task force bravo.’

Habang nag-aapula ng apoy ay nasugatan si FO3 Donna Esguera. Nagtamo naman ng first degree burns sina Chris Tereposin, Macabugan Lacera at Juvira Maguirang.

Hindi pa man naaapula ang sunog sa Brgy. Baesa ay nakatanggap uli ng tawag ang QC Fire station na may nagaganap na sunog sa Sinagtala St., sa Barangay Bahay Toro, at halos 50 kabahayan din ang tinupok ng apoy.

Nabatid na nagsimula ang sunog sa bahay ng isang nakilalang Rey Montanez na naputulan ng kuryente kaya gumamit ng gasera at natumba na siyang pinagmulan ng sunog.

Magkasunod ding naapula ang apoy sa dalawang barangay pasado alas-9:00 ng gabi kung saan umaabot sa P3 milyon ang natupok na mga kagamitan at mahigit sa 1,000 pamilya ang nawalan ng tahanan.