2 tao pinagbabaril sa QC

Dalawa katao na hinihinalang biktima ng ‘summary execution’ isa ay nakaposas pa ang mga kamay — ang  pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang mga biktima ay nakilalang sina Nilo Del Prado, 38, residente ng Malagasang 1G, Imus Cavite, at Kennedy Castillo Aba, 32, ng No. 19 Kalinisan St., Bgy. Batasan Hills, QC.

Ayon sa CIDU, unang pinagbabaril hanggang sa mapatay si Aba, dakong alas-4:05 ng hapon  sa harapan ng bakery sa Block 8, Lot 1, Kalusugan St., Bgy. Batasan Hills.

Batay sa pahayag ng testigong si Janjan Bagaan sa imbestigador na si PMSgt. Roldan V. Cornejo, naglalakad umano siya sa nasabing lugar ng makarinig siya ng isang  putok ng baril at nang kaniyang usisain ay nakita niya ang nakabulagtang duguang biktima.

Isinugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival sanhi ng tama ng bala ng di-pa malamang kalibre ng baril sa ulo, ayon kay Dr. Dean Xyrus Seares.

Dakong alas-9:50 ng gabi, natagpuan naman ang bangkay ni Del Prado na nakaposas pa at tadtad ng di-pa batid na kalibre ng baril sa kahabaan ng C.P. Garcia St., Bgy. UP Campus.

Hinala ng pulisya, ang mga napatay ay posibleng biktima ng ‘summary execution’,  gayunman masusi na umano nilang iniimbestigahan ang naganap na krimen upang makilala ang mga salarin.