3 durugista arestado

November 03, 2019

Arestado sa mga awtoridad ang tatlong sinasabing tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang tatlo ay kinilalang sina Ayzel Jay Santos, 30, Mhel Lyka Santos, 28 at Alvin Macapagat, 36, na pawang residente ng Mendez St. sa Baesa, Quezon City.

Dinakma ang tatlo dakong alas-7 ng gabi habang aktong inaabot ang halagang P1,000 shabu sa isang pulis na nagkunwaring buyer.

Nakuha sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000 at  ginamit na buy-bust money.

Ang nasabing operasyon ay ginawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) bunsod na rin ng tip na ibinigay ng mga residente sa lugar.

Inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga suspek.