3 magnanakaw ng buhangin tiklo

June 16, 2020

HULI  sa akto ng mga tauhan ng Navotas Maritime Police ang tatlong lalaki, kabilang ang magkapatid, sa aktong nagbubungkal ng buhangin sa baybaying dagat ng Navotas city kahapon ng madaling araw.

Nakaipon na ng 35 sako ng buhangin sina Fernando Dela Cruz, 37, nakababatang kapatid na si Cesar, 26, kapuwa mangingisda at residente ng 923 Sto Domingo St. at kapitbahay nilang si Joseph Guatno, 24, construction worker nang mamataan ng mga nagpapatrulyong tauhan ng Integrated Advance Command Post (IACP) I Navotas Water Cluster ng Maritime Police dakong alas-2 ng madaling araw sa baybayin ng Barangay Tangos North.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Nemesio Garo II na bago mag ala-1 ng madaling araw ay sinimulan na ng tatlo ang pagbubungkal ng buhangin sa baybaying dagat sa pag-aakalang wala ng magpapatrulyang tauhan ng Maritime Police.

Unang inamin ng tatlo kay Sgt. Garo na ibebenta nila ang mga buhangin subalit nang kinuhanan na ng pahayag ay iniutos lamang umano sa kanila ang pagkuha ng buhangin na gagamitin sa isang construction site.

Nauna ng iniutos ni Navotas Fish Port Complex Maritime Police chief Lt. Col. Melvin Laguros ang 24-oras na pagbabantay sa mga baybaying dagat ng lungsod upang matiyak na hindi makakalusot ang mga gumagawa ng ilegal na aktibidad.

Kasong paglabag sa Batas Pambansa 265 (An Act Prohibiting the Extraction of Gravel and Sand from Beaches) ang isasampa ng Maritime Police laban sa tatlo sa piskalya ng Navotas city.