3 natusta sa Quezon City sunog

December 20, 2018

ang sinapit ng tatlong magkakamag-anak apat na araw bago ang araw ng Pasko matapos na malitson nang buhay sa naganap na sunog sa isang commercial residential area sa  Novaliches, Quezon City.

Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga biktima ay nakilalang  sina Arcenia Amongo Ilalim, 82; Josie Camalig, 42, at isang limang taong gulang na bata.

Ayon sa residenteng si Erick Francisco, nagsimula ang sunog dakong alas-2:54 ng madaling araw sa isang tindahan ng paputok  at mabilis na kumalat sa mga katabing walong commercial establishment, tatlong residential unit at nadamay din ang isang nakaparadang sasakyan sa Bgy. Daming Maliit Road, Bgy. Nagkaisang Nayon sa Novaliches, QC.

“May narinig kaming sunud-sunod na putok tapos sinundan na nang pagliyab ng apoy,” ayon sa mga residente.

Batay sa pahayag ng arson investigator ng BFP, nasa kahimbingan nang pagkakatulog ang  mga biktima nang mapalitan ng mainit na kapaligiran ang malamig na gabi dahilan upang ang mga ito ay maalimpungatan subalit hindi ang mga ito nakalabas sa kanilang tahanan.

Ang sunog ay umabot sa ika-tatlong alarma at naapula pasado alas 4:30 ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga arson investigator ang tunay na sanhi ng naganap na sunog.