3 workers huli sa droga sa ‘Stairway to heaven’ bridge

November 21, 2018

Muli na namang nabalot ng kontrobersiya ang isang footbridge sa Quezon City na tinaguriang ‘Stairway to heaven’ matapos mahuli ang apat na construction worker na gumagamit ng droga kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang mga naarestong suspek na sina Jan Rasonable, 26, at Lolito Lacang, 38, kapwa ng Subic, Zambales; Joseph Baldia, 27, ng Bgy. Malbog Kawayan, Masbate; at Jonard Jagon, 23, ng Nueva Ecija.

Batay sa ulat ng QCPD-Kamuning Police Station, dakong alas-6:20 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa loob ng kanilang barracks sa EDSA, sa ilalim ng tulay sa kanto ng NIA Road sa Bgy. Pinyahan.

Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang mga pulis hinggil sa umano’y paggamit ng droga ng mga suspek habang sila ay nagpapahinga sa kanilang trabaho.

Nang salakayin ang lugar ay natiyempuhan ng mga pulis na ‘bumabatak’ ng illegal na droga ang mga suspek kaya’t kaagad na inaresto ang mga ito.

Narekober mula sa mga suspek ang apat na pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.

Detenido na ang mga suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ng mga awtoridad na walang da-pat ipangamba ang publiko hinggil sa ginagawang tulay ng mga suspek dahil dadaan naman ito sa masusing inspeksiyon bago gamitin sa oras na matapos.