Aktor, banyaga nanggulpi

Nagsampa ng reklamo ang isang real state broker laban sa isang aktor ng ABS-CBN at ang kasama nitong foreigner matapos umano siyang pagtulungang bugbugin sa loob ng isang Resto Bar sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Captain Juan B Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Pitt Norman Zafra, 35, binata, real state broker at residente ng No. 44 Saint Mary St., Bgy. E. Rodriguez, Cubao, QC.

Pinangalanan ng biktima ang suspek na si JM De Guzman, umano’y aktor ng ABS-CBN, at kasama nitong isang foreign national.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Genaro Diego, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-8:45 ng gabi sa loob ng Flying House Resto Bar na matatagpuan sa No. 10-B Malingap St., Bgy. Teachers Village West, QC.

Batay sa mga nakasaksing kostumer sa resto bar, nakita umano nilang tumayo at pinuntahan ng foreigner na kasama ni JM ang biktima sa table nito  at sa hindi malamang dahilan ay sinuntok ito sa harap ng live-in partner  na nakilalang si Madel Bermudez.

Sumunod na lumapit ang aktor sa table ng biktima subalit sa halip na awatin ang kaniyang kasamang foreigner ay sinipa pa umano nito sa likuran si Zafra at pagkatapos ay sabay na lumabas ng resto bar ang dalawa.

Dinala naman ni Bermudez ang biktima sa East Avenue Medical Center upang ipagamot ang mga tinamo nitong mga sugat at pasa sa katawan.

Hinahanting pa ng mga awtoridad ang tumakas na aktor at ang kasamang foreigner habang iniimbestigahan kung ano ang sanhi nang pambubugbog ng mga ito sa real state broker.
Nabatid na si JM De Guzman (Juan Miguel Gob de Guzman sa tunay na buhay) ay isang  ‘mixed martial artist, model at singer, at exclusive talent ng Star Magic.