All-out war sa illegal gambling sa Metro Manila

February 19, 2020

HALOS araw-araw ay hindi nawawalan ng mga nahuhuli ang kapulisan ng mga taong sangkot sa iligal na sugal sa buong Metro Manila mula nang iutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa ang all-out war laban sa illegal gambling.

Tama lang naman ang utos ni Gen. Gamboa lalo na ang pagkalat ng mga video karera (VK) machines na hindi lamang mga estudyante at kabataan ang nahuhumali kundi ito rin ang karaniwang nilalaro ng mga drug addict.

Ang siste pa, marami palang mga pulis ang operator din ng VK pero hindi sila ang naka-front kundi ang mga big-time at kilalang operator na kanilang binabayaran para sumukob o kung tagurian ay naka-umbrella ang kanilang makina.

Malaki kasi ang kita sa bawa’t makina ng VK dahil araw-araw pala ay nakakapag-coins out ang operator ng mula P3,000 hanggang P5,000 kada makina, kumporme sa lugar na paglalatagan, at binabahaginan nila ng porsiyento ang may-ari ng bahay o lugar na paglalapagan, pati na ang bayad sa kuryente.

Samakatuwid, kung ang isang pulis ay may 10 makina na naka-umbrella sa isang malaking operator, pinakamaliit niyang kita kada araw ay P30,000 at aawasin lang dito ang porsiyento ng may-ari ng bahay at bayad sa kuryente. Very lucrative business ika nga.

Pero ngayong all-out war sa “Metro Manila” ang illegal gambling, hindi lang ang mga malalaking operator ng VK ang apektado kundi pati na ang mga pulis na naka-umbrella sa kanila kaya nagpasiya na rin silang mag-pull out ng makina bago pa man ito makumpiska.

Bukod sa VK, karamihan din sa mga huli ng Metro pulis sa Kamaynilaan ay ang sugal na cara y cruz, tupada, color games, saklang-patay at pati na ang libangan ng mga senior citizen na mahjong, pusoy at tong-its. Ang tanong ng marami, bakit wala yata o bihira ang nahuhuli na sangkot sa lotteng, jueteng, EZ-2 at illegal bookies ng karera?  Imposible namang wala nito sa Metro Manila.

Eto pa ang mga tanong, bakit daw sa ibang lugar tulad ng Region 4A o ang Calabarzon, Region 3 at Bicol Region at iba pang rehiyon ay raw hindi nakarating ang all-out war ng PNP? Mukhang iba raw yata ang tinitingnan sa tinititigan.

Text ng readers

Sa text ng isang Joan ng Caloocan, tinatanong niya kung puwede raw bang magtayo ng flea market sa gilid ng daluyan ng tubig? Paano raw malilinis ang malaking estero kung me pirmihang puwesto na ng talipapa o flea market sa gilid nito tulad sa Sabalo Street sa Barangay 8? Paano raw kung mapuno na ng basura ang daluyan ng tubig sa kanilang lugar sa tag-ulan dahil barado na sa dami ng basura? Sana raw ay bisitahin ito ni Mayor Oca Malapitan para makastigo ang pasimuno ng flea market sa bangketa

***

Kabilaang parking naman ng mga tricycle at pribadong sasakyan ang inireklamo ng isang reader na may huling numerong 3090 sa kahabaan ng C. Namie Street, Bgy. 25 sa Caloocan City pa rin na nagdudulot daw ng masikip na daloy ng trapiko. Mukhang hindi raw nakarating sa lugar ang clearing operation ng city government kaya hiling nila, ang DILG ang bumisita sa lugar para personal na masaksihan ang kabiguang linisin sa illegal parking ang mga lansangan.

***

Inakusahan naman ng isang taga-Bgy. 167 ang may-ari ng Julie Store sa Llano Road na patago raw nagbebenta ng alak at sigarilyo, pati na ng LPG refill gas ng wala raw kaukulang permiso. Pamangkin daw ng isang opisyal ng barangay sa lugar ang may-ari kaya hindi naipapasara kahit delikado lalo na ngayong malapit na ang tag-init.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363