Away ng mga anak nauwi sa habulan ng taga ng mga ama

May 29, 2020

HINABOL ng taga ng 35-anyos na lalaki ang kanyang kapitbahay matapos ang mainitan nilang pagtatalo hinggil sa nangyaring hindi pagkakaunawaan ng kani-kanilang anak na lalaki kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kung hindi nakailag sa unang ulos ng taga si Butch Mercado, 37, ng Phase 1 Blk 3 Lot 12 Solar Urban Homes, Bgy. 171, Bagumbong, malamang na napatay siya ng kapitbahay na si Glen Tamayo na kalaunan ay nadakip ng mga barangay tanod na hiningan ng tulong ng biktima.

Sa imbestigasyon, naglalakad pauwi si Mercado dakong alas-6 ng gabi sa Phase 1 ng Solar Urban Homes nang salubungin at komprontahin siya ng kapitbahay hinggil sa nangyaring pag-aaway na kani-kanilang anak na lalaki.

Sa gitna ng mainitan nilang pagtatalo, pumasok ng kanilang bahay si Tamayo at ilang saglit lang ay lumabas na armado na ng itak at kaagad inundayan ng taga ang biktima na mabilis na nakailag.

Nagtatakbong palayo si Mercado subalit hinabol siya ng suspek hanggang makarating sa malapit sa barangay hall.

Dito na nakahingi ng tulong ang biktima kaya’t napilitang tumakas si Tamayo hanggang sa tuluyan siyang madakip bagama’t hindi na nakuha sa kanya ang ginamit na itak.

Dakong alas-4:50 na ng madaling araw kahapon nang dalhin ng mga opisyal ng barangay sa pulisya ang suspek matapos magpasiya ang biktima na tuluyan siyang sampahan ng kasong tangkang pagpatay.