AWOL na pulis nabuhay tapos pagbabarilin sa Quezon City

Sugatan ang isang pulis na sinasabing AWOL (absent without official leave) matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaking magka-angkas sa isang motorsiklo sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni La Loma Police Station (PS1) Commander P/Lt. Col. Camlon Nasdumaan ang biktima na  si Police Cpl. Melvin Castillo, 42, at residente ng  No. 24 Ibos St., Bgy. Salvacior, QC.

Si Cpl. Castillo ay agad namang isinugod sa Chinese General Hospital dahil sa anim na tama ng bala ng . 45 kalibre ng baril sa ibat’t ibang bahagi ng katawan, pero mapalad na nabuhay ito.

Batay sa report kay Lt. Col. Nasdumaan, bandang alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa pulis sa tapat ng Aqua Summit sa may Amoranto Ave., Bgy. Salvacion.

Galing sa isang mami house ang biktima at nang pasakay na sa kaniyang SUV ay biglang sumulpot ang  riding-in-tandem sa kanto ng  N.S. Amoranto Sr. St. at Ipo St., sa naturang barangay, at biglang pinagbabaril ang pulis.

Sa kuha sa CCTV, nakitang nakatakbo pa ang pulis subalit hinabol at pinagbabaril pa ng   mga suspek hanggang sa tuluyan silang tumakas.

Nabatid na ang nasabing pulis ay  dating tauhan ng  Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office at nang ipinadala sa Mindanao ay nag-AWOL na ito.