Babae dinakma ng lasing

January 25, 2019

WALANG patumanggang dinakma at pinanggigilan ng lasing na lalaki ang maselang parte ng katawan ng isang 15-anyos na dalagita na nasalubong lamang niya sa kalsada kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Labis na pagkasindak naman ang naramdaman ng biktimang itinago lang sa pangalang Jenny nang halos lamutakin ng suspek na nakilalang si Glenn Bodanyo, 37, ng James Village, Magsaysay St., Bgy. San Agustin ang kanyang kaselanan sa madilim na bahagi ng Magsaysay Street, habang kasama ang isang pinsang babae.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Romirosa Mallari ng Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), naglalakad pauwi ang mag-pinsan nang masalubong nila ang pasuray-suray pang suspek dulot ng pagkalango sa alak dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Tinangka pa umanong gumilid sa lansangan ang magpinsan upang iwasan ang lasing na suspek subalit bigla umanong dinakma ng lalaki ang kaselanan ni Jenny na naging dahilan upang magsisigaw ang dalawa sa paghingi ng tulong.

Nagkataon namang nagpapatrulya sa lugar sina barangay tanod Winston Bulado at Ricardo Quiambao kaya’t kaagad nilang dinakip ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o Special Protection Against Child Abuse Exploitation and Discrimination Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.