Home>News>Metro>Babae kinagat sa dibdib ng lasing na kapitbahay

Babae kinagat sa dibdib ng lasing na kapitbahay

KINAGAT sa dibdib ng lasing na babae ang kapitbahay na ginang sa gitna ng kanilang pag-aaway na nagsimula sa mainitang pagtatalo Lunes ng umaga sa Valenzuela City.

Naalis lamang ang mariing pagkagat ni Sheena Gadayan, 33, ng Block 17, Lot 4, Kabuhayan St., Purok 4, Mapulang Lupa sa kaliwang bahagi ng dibdib ng kapitbahay na si Catherine Batol. 32. nang awatin sila ng kanilang mga kapitbahay kaya’t mabilis din naisugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center upang malapatan ng lunas ang tinamong sugat.

Sa ulat na nakarating kay Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, nasa loob ng kanilang bahay si Batol nang marinig niya ang malakas na kalabog sa labas na pinagpaparadahan ng kanyang motorsiklo dakong alas-6:30 ng umaga.

Nagulat siya nang makitang nakatumba ang kanyang motorsiklo habang patalilis naman si Gadayan na umano’y lango pa sa alak kaya’t hinabol niya ang kapitbahay at kinompronta sa ginawang pagtumba nito sa kanyang motorsiklo.

Sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit pa umano si Gadayan nang komprontahin sabay dampot sa isang baso sa kalapit na karinderya na ginamit niyang panghambalos kay Batol.

Gayunman, nakailag ang biktima kaya’t nabasag sa kanyang kamay ang baso at doon na nagsimula ang kanilang pambubuno hanggang sa kagatin ng suspek sa dibdib ang ginang.

Ayon sa pulisya, matapos malapatan ng lunas ang biktima ay humingi na siya ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip kay Gadayan.

Publication Source :    People's Tonight