Babae nabundol ng van, tigok agad

December 10, 2018

Dead on the spot ang isang hindi pa nakilalang babae nang mabundol nang rumaragasang van kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Sa inisyal na report kay Supt. Welson delos Santos, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, ang aksidente ay naganap alas-9:30 ng gabi nu’ng Dec. 9 sa Kamias Road, Bgy. Kamias, QC.

Agad namang naaresto si Ernesto dela Cruz Manapo Jr., 56, driver ng Toyota Hi Ace van (A7T 192), ng  Tindalo St., Agoho, Proj. 3, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tumatawid ang babae sa eastbound ng Kamias Road nang bigla na lamang sumulpot ang rumaragasang van at nabundol ang biktima.

Sa lakas ng pagkaka-salpok ay tumilapon ang babae at lumagapak na una ang ulo sa konkretong semento.

Itinanggi naman ng driver na mabilis ang kanyang pagmamaneho kundi dahil lamang umano niya napansin ang tumatawid na biktima dahil madilim sa nasabing lugar.

Nakapiit ngayon sa QCPD Traffic Sector 3 ang driver ng van habang inihahanda ang kasong  reckless imprudence resulting to homicide laban sa kanya.

Nabatid naman sa mga  residente na takaw-aksidente ang lugar dahil masyadong madilim doon kaya hiling nila sa lokal na pamahalaan na maglagay ng ilaw at lagyan ng mga ‘signage’ na ‘prone accident’ ang kahabaan ang nasabing lugar.