Home>News>Metro>Babae pinatay sa saksak ng selosong ka-live in

Babae pinatay sa saksak ng selosong ka-live in

TATLONG saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ng isang 30-anyos na babae na galing mismo sa kaniyang kinakasamang lalaki habang nagtatalo sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Criselda Tagarda Hidalgo, 30, at naninirahan sa 2L-8 Yap Apartment, Rivera St., Enriquez Compound, Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, QC.

Agad namang naaresto ang kaniyang kinakasamang si Franklin Rosales Arupo, 26, sa loob ng kanilang inuupahang apartment sa nasabing barangay.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9 ng gabi (December 11) nang mangyari ang pananaksak sa biktima sa loob ng kanilang tahanan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Nido Gevero Jr., ng CIDU-QCPD, sinabi umano ng mga kapitbahay na narinig nilang nag-aaway ang maglive-in at matapos ang ilang minuto ay nanahimik na ang mga ito.

Nang alamin umano ng mga kapitbahay ay nakita nilang duguang nakahandusay ang biktima habang ang kalive-in nito ay nakaupong nakatulala habang hawak ang patalim na ginamit sa pananaksak.

Mabilis na inireport ng mga kapitbahay sa kanilang barangay officials ang krimen at naaresto ang suspek.

Ayon sa pulisya, selos ang naging ugat ng pagtatalo ng biktima at ng suspek.

Publication Source :    People's Tonight