Balut vendor tinadtad ng bala

October 31, 2019

PALAISIPAN sa pulisya ang ginawang pagpatay ng hindi pa kilalang salarin sa 23-anyos na balut vendor na tinadtad ng bala sa ulo at katawan kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril ang biktimang si Leolito De Leon, residente ng Blk 65 Lot 8 Modomo St. Purok 5A, Bgy. Upper Bicutan habang mabilis na tumakas ang hindi pa kilalang salarin patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Taguig police chief P/Col. Alexander Santos, pauwi na ang biktima dakong alas-10:45 ng gabi matapos maubos ang ibinebentang balut sa Punzalan Street, Bgy. New Lower Bicutan nang mangyari ang pamamaslang.

Sakay na ng kanyang bisikleta pauwi si De Leon at tinatahak na ang kahabaan ng Punzalan Street nang bigla siyang harangin ng salarin na armado ng baril at kaagad na pinaputukan ng sunod-sunod bago mabilis na tumakas.