Bangkay ng bata, 4, nakuha sa nasunog na bahay sa Quezon City

February 11, 2019

Nadiskubre ang bangkay ng  isang 4-anyos na batang lalaki matapos masunog ang kanilang bahay sanhi umano ng natumbang kandila  sa North Fairview, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Base  sa report kay QC Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez,  ang biktima ay nakilalang si Elixer Taladro Jumalon, nakatira sa No. 24 Boulevard St., Bgy. North Fairview, Quezon City.

Sa inisyal na  imbestigasyon ni Fire Chief Insp. Sherwin Penapel, dakong alas-9:39 ng gabi (February 10), nagsimula ang sunog sa bahay ng biktima na pag-aari ni Marivic Rebagay, 32-anyos.

Ilang araw na umanong walang kuryente ang bahay ni Rebagay matapos na maputulan kaya kandila lamang ang nagsilbing ilaw ng pamilyang Jumalon.

Ayon kay Penapel, ang biktima ay iniiwan lamang sa pangangalaga ng isa  niyang nakatatandang kapatid dahil  nasa trabaho ang kanyang nanay na umano’y hiwalay sa kanyang tatay.

Nagkataon naman na lumabas umano ang nakatatandang kapatid ng biktima upang bumili ng pagkain subalit pagbalik umano nito ay nilalamon na ng apoy ang kanilang tahanan at hindi na naisalba si Elixer.

Naapula ang sunog na umabot sa 2nd alarm dakong alas-10:25 ng gabi kung saan 11 bahay ang natupok at 30 pamilya ang nawalan ng tahanan.