Home>News>Metro>Bangkay ng obrero lumutang sa QC ilog

Bangkay ng obrero lumutang sa QC ilog

NATAGPUANG lumulutang sa ilog sa lungsod Quezon ang bangkay ng 49-anyos na construction worker nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Ruben Advincula Peleno, 49, may asawa, construction worker, tubong Marabut Western Samar at residente ng Dona Pepeng Subdivision, North Libis St., Bgy. Banaba, San Mateo Rizal.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-10: 15 ng gabi (March 17) nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Culiat Creek sa Maria Eva Street, Tierra Pura Subdivision, Bgy, Culiat, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PSSg George Caculba, nag-text umano ang misis ng biktima na si Rowena sa architect ng mister na si Allan Gonzales at tinanong kung bakit hindi pa umuuwi ang kaniyang asawa.

Nang malaman na wala na sa pinagtatrabahuhang construction site ang mister ay humingi na ng tulong si Rowena sa mga kasamahan ng asawa upang hanapin ito at makalipas ang ilang oras na paghahanap ay nakitang lumulutang sa nasabing ilog ang bangkay ng biktima.

Ayon sa SOCO Team na pinamumunuan ni PLt. Reynold Tabbada, ang biktima ay may tinamong sugat sa ilong at ulo.

Masusing iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung nalunod o sinadyang itinapon ang bangkay nito sa nabanggit na ilog dahil sa nakitang malaking sugat sa ulo.

Publication Source :    People's Tonight