Home>News>Metro>Barkada naglasing, nanggulo, arestado

Barkada naglasing, nanggulo, arestado

HUMIRAM ng tapang sa alak ang apat na magkakabarkada matapos pagmumurahin at pagbabatuhin ang mga kapitbahay na nagrereklamo sa nililikha nilang ingay sa pag-iinuman Sabado ng madaling araw sa Navotas City.

Naawat lamang ang pagwawala nina Angelito Luna, 24, Romel Canveras, 24, Alejandro Tulipas, 19, pawang mga naninirahan sa Old Pabahay, Tanzo 2 at John Lloyd Francisco, 21, ng 148 Chungkang St., Sampaguita Dulo,nang magresponde ang mga pulis at barangay tanod na umaresto sa kanila.

Sa ulat na natanggap ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, nagsimula umanong mag-inuman ang magkakabarkada bago pa lamang lumatag ang dilim noong araw ng Pasko hanggang abutin na ng hatinggabi kaya’t nagreklamo na ang mga nabubulahaw ng kapitbahay.

Dahil dito, nagwala, pinagmumura at pinagbabato ng magkakabarkada ang mga nagrereklamong kapitbahay kaya’t humingi na sila ng tulong sa barangay at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Ayon kay Balasabas, kasong alarm and scandal at paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code ang isinampa ng pulisya laban sa mga nadakip na suspek.

Publication Source :    People's Tonight