Basketball fan tinadtad ng bala

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang lalaki  habang nanonood ng larong basketball sa covered court ng kanilang barangay sa San Jose, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Jeffrey Villanueva, 38, may asawa, negosyante na nakatira sa No.154 Tendido St., Bgy. San Jose, QC.

Nabatid mula kay Masambong P/Chief Lt.Col. Rodrigo Soriano, na ang krimen ay naganap dakong alas-8 ng gabi sa loob ng basketball covered court sa Barangay Veterans, Calumpit St., Project 7, Quezon City.

Ayon sa report, nakaupo lamang ang biktima sa bleachers ng court at nanonod ng laro ng kanyang mga kaibigan nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing pagbabarilin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Noong matiyak ng hindi pa nakikilalang salarin na patay na ang kanyang target ay mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.

Tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang Philip Brondial na noon ay nanonood din na ngayon ay ginagamot sa hindi na tinukoy na hospital.