Belmonte serbisyo walang patid kahit may COVID

Joy Belmonte
QC Mayor Joy Belmonte

INANUNSYO kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nag-positibo siya sa COVID-19.

Sa isang pahayag sa social media sinabi ni Belmonte na siya ay asymptomatic o walang anumang nararamdamang sintomas ng covid-19.

“Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na QCitizens na ako po ay nag-positibo sa aking huling COVID-19 test.  Nagpapasalamat po ako na agad itong natuklasan. Sa ngayon, maayos po ang aking kalagayan at wala po akong nararamdamang anumang sintomas”.

Aniya mahigpit niyang sinusunod lahat ng quarantine protocols ng Department of Health at sinimulan na din ng QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) ang contact tracing procedures.

Isinara na din umano pansamantala ang kaniyang tanggapan para ma-disinfect ito kasama ang common areas ng City Hall.

“Dahil sa pagdalaw sa ating mga health center at ospital, special concern lockdown areas at mga komunidad upang alamin ang kanilang mga pangangailangan, sa simula pa lang, batid na naming posibleng mangyari ito. Pero hindi ko po ito pinagsisisihan. Inihanda ko na po ang aking sarili at buong puso ko po itong tinatanggap.”

Nangyari umano ang lahat sa kabila ng ibayong pag-iingat, pagsusuot ng facemask, madalas na paghugas ng kamay, at social distancing

Aniya sana ang nangyari sa kanya ay magsilbing paalala na ang COVID-19 ay tunay na isang kakaibang sakit na dapat pag-ingatan pa nang lubusan.

Tiniyak ni Belmonte na patuloy ang serbisyo at gawain ng lokal na pamahalaan kahit na siya ay naka quarantine.

“Bagama't limitado ang aking pagkilos, mananatili po akong nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City.”