Bigong makahanap ng trabaho, lalaki nagbigti

November 22, 2018

Nagpatiwakal sa pa-mamagitan ng pagbigti ang isang 39-anyos na lalaki dahil sa kabiguan umano na makahanap ng trabaho kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ni SPO1 Marlon A. dela Vega, imbestigador ng Criminal Investigation and Detective Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Arnold Lacerna Villanueva, may live-in partner, tubong-Aklan at residente ng 22-B 201 Mabuhay Compound, Bgy. Sauyo, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ng tiyahin na si Salvacion Villanueva Almuete ang nakabigting katawan ng biktima sa kisame sa unang pala-pag ng kanilang tahanan dakong alas-4 ng madaling araw noong November 22.

Ayon kay Gng. Almuete, tila may gumising sa kanya kaya bumangon siya at napansin niya na nakasindi pa ang ilaw.

Nang bumaba umano si Gng. Almeuete upang patayin ang ilaw ay laking gulat nito nang makita ang nakabiting katawan ng kanyang pamangkin sa kisame.

Nagsisigaw at tumakbo sa labas ng kanilang tahanan ang tiyahin ng biktima at humingi ng saklolo sa kanyang mga kapitbahay at mga barangay tanod.

Agad na pinagtulungan ng mga tanod na maibaba ang nakabigting katawan ng biktima subalit patay na ito.

Tumanggi namang pa-imbestigahan pa ni Gng. Almuete ang pagbigti ng kanyang pamangkin dahil kumbisido umano itong sadyang nagpakamatay ang biktima dahil nitong mga huling araw ay nagiging bugnutin umano ito at sinasabing wala umano siyang mahanap na trabaho.