Binata, 28, minanyak 14-anyos na kainuman

January 14, 2020

HINALIKAN muna sa labi ng 28-anyos na binata ang dalagitang kaibigan na kabilang sa inimbitahan niyang uminom ng alak sa kanilang bahay bago tuluyang nilamas ang bubot pang dibdib ng biktima kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Inakala ni Jeffrey Borromeo na nakatulog sa kalasingan ang 14-anyos na biktimang itinago sa pangalang “Janet” kaya’t sinamantala niyang molestiyahin matapos makaalis ang apat pa nilang kainuman dakong alas-7 ng gabi.

Gayunman, nang maramdaman ni Janet ang paghalik sa kanyang labi at marahas na pagdakma sa kanyang dibdib, napabalikwas siya ng bangon na ikinagulat din ng suspek kaya’t hinayaan na lamang ng lalaki na makaalis ng kanilang bahay ang dalagita.

Bago nangyari ang kahalayan, inimbitahan ni Borromeo si Janet, na kanyang kaibigan, at apat pa sa isang inuman sa kanilang bahay sa 133 C. Guansing St., Bgy. Pulo.

Nang makaubos na sila ng ilang bote ng alak, nakaramdam ng pagkahilo si Janet kaya’t hinayaan muna siya ng mga kainuman na pansamantalang magpahinga.

Nang makaalis na ang apat pang kainuman, dito na nagkaroon ng pagnanasa si Borromeo sa kaibigan kaya’t nang makauwi ang biktima, isinumbong niya sa ina ang ginawa ng suspek.

Kaagad na humingi ng tulong ang ina ni Janet sa mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness na may kaugnayan sa paglabag sa Anti-Child Abuse Law.