Binata ginulpi ng 2 sa harap ng kasintahan

December 21, 2018

GINULPI  sa harap mismo ng kanyang kasintahan ang isang binata ng dalawang lalaking matagal na niyang kaalitan kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kaagad isinugod ni Erka Remedios, 19, ang kanyang boyfriend na si Mark Kerwin Alhambra, ng 23 Celia II Street, Bgy. Bayan-Bayanan sa Tondo Medical Center makaraang magtamo ng mga pasa sa mukha at katawan, bukod pa sa malalim na sugat sa likod na dulot ng paghambalos ng bote ng alak ng dalawang suspek.

Iniutos naman ni Malabon police chief Senior Supt. Jessie Tamayao ang pagtugis sa mga suspek na sina Jocel Jacala, 20, ng Sitio 6, Bgy. Catmon at isang alyas Jay, na kapitbahay lamang ng biktima na kapwa tumakas makaraan ang pambubugbog.

Batay sa imbestigasyon nina SPO2 Joselito Bagting at PO3 Julius Mabasa, naglalakad ang biktima at kasintahan na magkahawak pa ang mga kamay dakong alas-2:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Celia II Street patungong Gen. Luna St. nang harangin ng dalawang suspek na matagal na niyang kaalitan.

Bigla na lamang umanong pinagtulungang gulpihin ng dalawa ang biktima sa harap ng kanyang kasintahan na labis na natakot at nabigla sa pangyayari.

Bago tumakas, dumampot pa ng bote ng alak ang isa sa mga suspek at hinataw sa likod ang binata na noon ay lugmok na dahil sa tindi ng inabot na panggugulpi.