Binatilyo tiklo sa close circuit television habang tinatangay motorcycle ng negosyante

November 28, 2018

NABUKO sa pamamagitan ng close circuit television (CCTV) camera ang ginawang pagtangay ng 15-anyos na binatilyo sa nakaparadang motorsiklo na pag-aari ng isang negosyante kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inakala ng binatilyong si Nedy (hindi tunay na pangalan) na makakalusot siya sa ginawang pagtangay sa Mio type motorcycle na pag-aari ni Antonio Pantoja, 53, ng Blk 33, Phase 3, F1, Lot 9, Dagat-Dagatan, dahil walang nakakita sa kanya ng isagawa ang pagnanakaw dakong alas-9:40 ng gabi kaya’t tiwalang dinala pa sa kanilang bahay sa Blk. 33, Lot 15, Ph3, F-1, Dagat-Dagatan, Bgy. 12 ang tinangay na motorsiklo.

Ang hindi alam ng binatilyo, nahagip pala ng nakakabit na CCTV ng barangay sa basketball court ang ginawa niyang pagtangay sa motorsiklo kaya’t dinakip siya ni Insp. Ferdinand Espino ng Caloocan Police Anti-Carnapping nang puntahan sa kanyang bahay. Nabawi rin ng pulisya ang motorsiklong kanyang tinangay.

Sa pahayag ni Pantoja sa pulisya, ipinarada niya sa tapat ng basketball court sa kanilang barangay ang motorsiklo subalit nawala na ito ng kanyang balikan.

Nang rebisahin ng barangay ang kuha ng kanilang CCTV maka-raang magsumbong si Pantoja, nakita ang binatilyo habang tinatangay ang motorsiklo.

Pansamantalang inilagay sa pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare si Nedy habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act laban sa kanya.