Bong Go kay Bishop Bacani

January 23, 2019

‘Kayo ang maglakad sa kalsada at makikita ang pagbabago’

TALIWAS sa gustong palitawin ni Bishop Teodoro Bacani, inihayag ni dating Special Assistant to the President (SAP) at 2019 senatorial candidate Christopher Lawrence “Bong” Go na hindi kailanman natatakot si Pangulong Rodrigo Duterte na maglakad sa kalsada kahit walang bodyguard o bulletproof vest.

Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng kanyang pagbisita sa mga biktima ng sunog sa Julio Compound, Bgy. Pulang Lupa I, Las Piñas. Umaabot sa 50 bahay ang naabo at 150 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog na nangyari noong Enero 19.

“Ginagawa na po ‘yan ni Pangulo noong mayor pa po siya ng Davao City. Simpleng tao lang po si Pangulong Duterte at kaya niya pong maglakad (sa labas) kahit gabi,” ang paliwanag ni Kuya Bong.

Sinabi ni Go na dahil sa nakaatang na mabigat na tungkulin bilang pinakamataas na lider ng bansa, hindi na basta-basta makapaglalakad-lakad nang nag-iisa si Pangulong Duterte sa lansangan.

“Siya na po ang Pangulo ng bansa. For security reasons, kahit na gustuhin niyang maglakad na siya lang mag-isa ay susundan talaga siya ng kanyang security (personnel). Pero kung papipiliin mo si Pangulong Duterte, papayag po siya na siya lang ang maglakad. Ganoon po kasimple si Pangulong Duterte,” dagdag ni Go.

Bilang tugon sa halip, si Go naman ang naghamon kay Bishop Bacani na siya ang maglakad-lakad nang mag-isa sa lansangan, partikular sa Metro Manila para makita umano ng pari ang kaibahan noon at ngayon.

“To Bishop Bacani: Ikaw na lang po ang maglakad sa gabi at makikita mo na mayroon talagang pagbabago na nararamdaman ang ating mga kababayan. Safe na po tayo ngayon kung ikukumpara mo noon. Noon po ay ang kriminal ang naghahari sa daan. Ngayon po ang kriminal ay takot na po,” ang sabi ni Go.

Samantala, sinabihan ni Kuya Bong ang mga residente ng Bgy. Pulang Lupa I, Las Piñas na magtungo sa Malasakit Center sa Philippine General Hospital (PGH) sa Taft Ave., Manila kung may pangangailangan para sa kanilang kalusugan.

“May nasaktan ba sa inyo? Kung mayroon man, mayroon tayong Malasakit Center sa PGH,” ang paalala niya.

“Noong nabalitaan ko po na may nasunugan dito agad po akong nagplano na makadayo. Kaya po ako nandirito (ay para magbigay ng) kaunting tulong lang (sa mga nasunugan): cash assistance mula sa mga kaibigan ko (at ilang) grocery items,” ang pahabol niya.