Bong Go: Prayoridad ang bahay sa mga nasunugan

June 20, 2019

MATAPOS dumalaw sa mga nasunugan sa Lucena, Quezon, agad ding binista ni Senator-elect Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang 23 pamilyang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog noong June 17 sa Phase 1, Ilugin St., Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa kanyang pagbisita sa mga nasunugan, inihayag ni  Go na bilang senador ngayon ay pangunahing prayoridad niya na mabigyan ng maayos at disenteng bahay ang mga ito. Ang National Housing Authority (NHA) aniya ang magpa-facilitate na mabigyan ng 1-year moratorium ang bawat pamilyang nasunugan sa kanilang monthly dues para makabangon mula sa sinapit na trahedya.

“Kakausapin natin ang NHA para yung mga kwalipikadong makakuha ng housing assistance ay hindi muna pababayarin sa unang taon ng kanilang amortization. Ito ay para matulungan natin silang makabangon agad,” ani Sen. Go.

Aniya, isusulong niya ang batas na matugunan ang problema sa informal settlers sa pamamagitan ng pagkakaloob ng abot-kayang pabahay para sa lahat, partikular sa mahihirap at mga walang tahanan nating mga kababayan.

“Isa sa bawat limang katao sa Kamaynilaan ay informal settler. Kailangan nating mas lalong pagbutihin ang ating mga programa para sa mga nangangailangan ng mura at disenteng bahay. We need a long term affordable housing program,” anang senador.

Sinabi ni Sen. Go na karapatan at marapat lamang na mabigyan ng disenteng bahay ang bawat Filipino. “Isa sa gusto kong isulong ang magkaroon ng long-term housing roadmap o plano upang matugunan ang 6.5-milyong kakulangan sa pabahay. Wala na dapat squatter sa sariling bayan.”

Sa tulong ng mga kaibigan sa pribadong sektor at sa gobyerno, namahagi ng tulong si Go sa mga residente ng Pasig na nasunugan.

“Pinakiusapan ko ‘yung mga kasamahan natin sa pribado at gobyerno, ang NHA, TESDA, DTI, PCUP, DoH, DSWD, PAGCOR, at PCSO na magbigay ng tulong at solusyon sa inyong mga pangangailangan,” ang pahayag niya sa mga residente.

Ipinaalala ni Go na dahil sa mga ganitong insidente, ay sadyang mahalaga na magkaroon na ng intensibong fire prevention campaign sa bansa.

“Kadalasan sa mga informal settlers natin ay walang sapat na kaalaman sa fire prevention and protection,” aniya.

Kaya nga kabilang sa kanyang top priorities sa  Senado ang pagsasabatas o pagsasaayos ng fire safety measures sa buong kapuluan.

Aniya, ang mga fire drills at seminars hinggil sa fire safety and prevention ay nire-require lamang sa mga eskuwelahan, government buildings at piling establisimiyento ngunit hindi isinasagawa sa mga komunidad.

Kaya naman nanawagan si Go sa lahat ng local government unit na pangunahan na ang paglulunsad ng intensive fire prevention campaign.