Buntis dumumi, sanggol shoot sa toilet bowl, patay!

KALUNOS lunos ang sinapit ng isang sanggol matapos mahulog sa toilet bowl nang sumamang lumabas ito sa sinapupunan ng isang kasambahay habang nasa banyo sa Barangay Valencia, Quezon City nitong umaga ng Oktubre 18.

Agad umanong kinuha ng kasambahay ang sanggol, at humanap ng gunting saka pinutol ang ‘umbilical cord’ subalit nang mapansing hindi umiiyak ang baby boy ay nilagay ito ng kasambahay sa isang plastic bag saka itinago sa ilalim ng kanyang kama.

Sa report ni PSSgt. Julius Cesar T. Balbuena, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas- 9:00 ng umga nitong October 18 sa Unit 23 One Castilla Place, Castilla St., Brgy. Valencia, QC.

Batay sa imbestigasyon, siyam na buwang buntis umano si Ramie Bulagnir, kasambahay, sa nasabing unit, at nagtungo umano sa banyo upang dumumi subalit nagulat na lamang siya nang sa kaniyang pag-iri ay sumama ang sanggol sa kaniyang sinapupunan at bumagsak sa toilet bowl.

Nang makita ng kaniyang kapwa kasambahay na si Maryann Balando si Balagnir na duguan ay agad itong humingi ng saklolo sa kanilang employer at mga opisyal ng barangay saka isinugod ang nanay ng sanggol sa San Juan Medical Center.

Pagkatapos na maisugod si Balagnir sa ospital ay nagbalik ang mga barangay tanod sa pinagtatrabahuhang unit ng kasambahay at doon ay natagpuan nila sa ilalim ng kama ang naka-plastik na sanggol.

Sa pag-asang buhay pa ang sanggol ay dinala agad ito ng Barangay Rescue team sa pamumuno ni Rosendo Velaso sa parehong ospital subalit idineklara itong patay na dakong alas-10:57 ng umaga ni Dr. Leslie Esquivel.

Wala namang nakitang external injury sa sanggol at masusi pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkamatay nito na posible umanong na-suffocate ng ilagay sa plastik ng kaniyang ina.