Bus vs jeepney: 10 sugatan

February 10, 2019

Sampung katao ang sugatan nang magkabanggaan ang isang bus at pampasaherong jeepney sa Quezon City kahapon.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente pasado alas-6:25 ng umaga sa EDSA, kanto ng Timog Avenue.

Bumibiyahe umano ang jeep sa EDSA mula Fairview at patungo sanang Timog Avenue, nang biglang mapahinto sa gitna ng kalsada matapos maabutan ng stoplight.

Nabangga ng kasunod na bus na bumabagtas rin sa EDSA ang napahintong jeep sanhi upang mabuwal ito.

Nasira ang jeepney kaya’t tumapon sa kalsada ang langis nito habang nasugatan rin ang mga sakay nito, kabilang ang isang magtataho na nagtamo ng first degree burn nang matapunan ng taho sa kanyang dibdib.

Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang mga nasugatan sa East Avenue Medical Center at tinabunan ng kusot ang oil spill.

Ang ibang pasahero naman ay nagpasya nang huwag magpasugod sa ospital at tumuloy na lamang sa pagpasok sa trabaho.

Nagdulot naman ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang aksidente.
Dakong alas-7 ng umaga nang matanggal ang mga sasakyan sa lugar.