Call center agent nagtangkang patayin tunay na asawa ng gf

October 14, 2019

ARESTADO ang isang call center agent na nagtangkang pumatay sa tunay na asawa ng babaing  kanyang kinakasama makaraan silang ireklamo ng pakikiapid at pananakot ng biktima kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Kung hindi nakatakbo at nakahingi ng tulong sa pulisya si Jonathan Dela Cruz, 37, messenger at residente ng 351 Tangke St. Malinta, malamang na pinaglalamayan na siya ngayon makaraang bundulin at habulin siya ng saksak ni Jamil Jesse Caro Tobias, 20, ng 356 GSIS Road, Bgy. Gitnang Bayan 1, San Mateo, Rizal.

Sa nakarating na ulat kay Valenzuela police chief P/Col Carlito Gaces, naglalakad sa kahabaan ng MacArthur Highway si Dela Cruz dakong alas-12:15 ng madaling araw nang bungguin siya ng minamanehong motorsiklo ng suspek pagsapit sa kanto ng Gov. Santiago St., Bgy. Malinta.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima habang bumagsak din matapos mawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek subalit mabilis na nakatayo, sabay bunot sa dalang patalim, at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima.

Nagawa namang makailag ni Dela Cruz at mabilis na nagtatakbo hanggang makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 4 na nagresulta sa pagkakadakip kay Tobias at pagkakakumpiska sa dala niyang patalim.