Caloocan health centers bukas sa kabila ng ECQ

April 01, 2020

TINIYAK kahapon ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan na sa kabila ng pagpapairal ng enhanced community quarantine, mananatiling bukas ang lahat ng kanilang health centers sa lungsod upang paglingkuran ang mga mamamayan. 

Ayon sa alkalde, patuloy ang pagkakaloob ng lokal na pamahalaan ng serbisyong medikal sa mga residente mula araw ng Lunes hanggang Biyernes kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga ordinaryong mamamayan na umaasa sa libreng gamot at bitamina na kanilang ipinamamahagi bilang hakbang na rin para maiwasan ang sakit na dulot ng COVID 19.

Nagpahatid din ng personal na pasasalamat si Mayor Oca sa kanilang masisipag na health workers na sinusuong ang panganib na dulot ng nakamamatay na virus para lamang makapasok sa kanilang health centers at mapaglingkuran ang mga mamamayang nangangailangan ng gamot.

"Ang aking pasasalamat sa mga masisipag na kawani ng Health Centers sa ating lungsod. Sa kabila ng Enchanced Community Quarantine at panganib na dulot ng COVID-19 ay patuloy ang kanilang serbisyong medikal para sa mga residente ng Caloocan. Tulungan din natin ang ating mga frontliners para sa kanilang kaligtasan kontra COVID-19", pahayag ng alkalde.

Kaugnay nito, pinasalamatan din ni Mayor Oca ang Grab Philippines dahil sa pagpapahiram ng kompanya ng lima nilang sasakyan sa pamahalaang lungsod upang magamit bilang service vehicle ng kanilang mga frontliners at essential workers, lalu na ang mga kawani ng mga pampublikong pagamutan,  health centers at Social Welfare and Development Office na naghahatid ng tulong sa bawa’t residente.

Kumatawan sa alkalde sa simpleng turn-over ceremony ng limang sasakyan si Atty. Lei Villanueva na nagpasalamat sa Grab Philippines at iba pang pribadong kompanya na patuloy na tumutulong, hindi lamang sa pamahalaang lungsod kundi maging sa mga residente.