Home>News>Metro>Car dealership manager naghain ng reklamo

Car dealership manager naghain ng reklamo

NAGHAIN ng reklamo kamakalawa ng hapon ang manager ng isang malaking car dealership matapos siyang magoyo umano ng 42-anyos na lalaking nagbebenta ng multi-cab sa social media nito lamang araw ng Linggo sa Malabon City.

Ayon kay Mac-Leo Gleane, 43, residente ng 21 Sacristia St. Brgy. San Agustin, Malabon city at nalinlang siya ng ka-deal niya sa social media matapos siyang magpadala ng P5,000 reservation fee sa suspek sa pamamagitan ng on-line banking.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal III at P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Joel Villanueva, nagkausap sa pamamagitan ng video call sa social networking site na facebook ang biktima at suspek nito lamang Abril 4, 2021 kaugnay sa ibinebentang Suzuki Multi-Cab ng huli.

Upang matiyak na sa kanya ibebenta ng suspek ang multi-cab, pumayag si Gleane na magpadala ng reservation fee na P5,000 na ipinadala niya sa G-cash ng suspek.

Matapos tanggapin ang naturang halaga, hiniling pa ng suspek sa biktima na ipadala sa kanya ang mga kinakailangang ilagay sa deed of sale katulad ng lisensiya sa pagmamaneho, TIN at SSS ID.

Gayunman, nang muling kontakin ni Gleane ang suspek, hindi na niya ito makontak at na-deactivate na rin nito ang kanyang account kaya’t nagpasiya na siyang maghain ng reklamo sa pulisya.

Publication Source :    People's Tonight