Construction worker nakuryente, tigok

November 14, 2018

Nasawi ang isang 17-anyos na construction worker makaraang makuryente nang mapakapit sa isang electric meter steel tube na nakalawit sa ginagawang apartment sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay SPO2 Marvin P. Masangkay, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay kinilalang si Jhun Diaz, construction worker, ng Admiral, Las Piñas City.

Si Diaz ay namatay habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) alas-5:26 ng hapon nu’ng Martes, ayon sa attending physician na nakilalang si Dr. Leslie delos Santos.

Sa report, ang insidente ay naganap bandang alas-4:20 ng hapon sa construction site na matatagpuan sa 38 19th Ave., Bgy. San Roque, Cubao.

Abala umano ang biktima sa pagdadala ng mga construction materials sa delivery truck na nakaparada malapit sa ginagawang apartment at dahil sa bigat ay nawalan umano ito ng balanse.

Upang hindi bumagsak ay kumapit umano ang biktima sa isang tubo na nakalawit sa apartment at doon ay bigla itong nangisay.

Nang makita ng kasamahang si Jeric Obrigon na nangingisay ang biktima ay agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang kasamahan at agad isinugod ang biktima sa nasabing ospital.