Curfew sa Maynila palakasin -- Erap

November 22, 2018
Joseph Estrada

Mahigpit na ipinag- utos ni Manila Mayor Joseph Estrada kay MPD director Chief Supt. Vicente P. Danao Jr. at sa pamunuan ng City Security Force na paigtingin ang kampanya ng curfew ordinance laban sa mga kabataan kasunod ng nangyaring riot sa panulukan ng  P. Paredes at S.H. Loyola Sts. sa Sampaloc, Manila,.

Sa kanyang direktiba kay C/Supt. Danao, sinabi ni Mayor Estrada na kai-langang mapatigil ang paggala ng mga menor de edad magmula alas-10 ng gabi  hanggang alas-4 ng mada-ling araw.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 8547 o Discipline Hour na ipinasa ng City  Council at pinirmahan ni Estrada, mahigpit na ipinagbabawal ang paggagala at pakalat-kalat sa lansangan ng mga menor de edad o nasa edad 18 pababa mula  alas-10 ng gabi hanggang  alas-4 ng  madaling araw.

Layon ng ordinansa na ito na disiplinahin ang mga menor de edad sa Maynila, at para maiiwas din sila sa kapahamakan tulad ng  riot at iba pang aksidente.

Batay sa ordinansa, ang mga menor de edad na lalabag ay ipapasok sa ‘intervention programs’ ng barangay o isasama sa ‘community service’ ng barangay o charitable non-government organizations.

Pagmumultahin naman ng P2,000 o isang buwang pagkakakulong ang mga magulang na may anak na 15-17 taong gulang,  P3,000 o tatlong buwang pagkakakulong sa may mga anak na ang edad ay nasa 13-14 habang  P5,000 naman o anim na buwang kulong sa magulang na  may  anak na nasa 12-taong gulang pababa.

Ang pagbabalik ng curfew ay bunsod na rin ng  kahilingan  ng mga magulang at residente dahil na rin sa madalas na insidente ng riot na kinasasangkutan ng mga kabataan.

Kahapon ay grupo ng mga kabataan ang naki-pagrambulan sa kalabang grupo sa Sampaloc, Manila.

Ilan sa mga ito ay nasa edad 14 at kinasasangkutan ng mga kabataang babae.

Dahil dito, naglagay ng  police visibility si MPD Station 4 commander Supt. Roberto Domingo upang  hindi na maulit pa ang  insidente.

Ayon  kay Insp. Edgardo Alombro, University Belt Area PCP commander, iniikutan nila ang lugar gabi-gabi hanggang madaling araw upang sawayin at pauwiin ang mga kabataang nakikitang pagala-gala.

Iniikutan din nila ang  lugar ng Quiapo at Balic-Balic na madalas na tambayan ng mga kabataan.