Dahil sa alitan,worker pinagbabaril sa Quezon City

December 09, 2018

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang construction worker ng hinihinalang lalaking nakaalitan nito sa harap ng ginagawang gusali sa  Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P03 Rhic Roldan Pittong ng Criminal Incestigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Winnie Tan Arellano, 42-anyos, at residente ng No. 30-B Katangian St., Bgy. Batasan Hills, QC.

Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.

Ayon kay P03 Pittong, ang krimen ay naganap dakong ala-1:45 ng hapon sa pinagtatrabahuhang  under renovation na bahay sa No. 19 Katangian St., ng nabanggit na barangay.

Sa pahayag sa pulisya ng testigong si Jayson Eterno, kasamahan ng biktima, abala umano siya sa  paghuhugas ng kanyang paint roller brush sa loob ng kusina nang makarinig siya nang sunud-sunod na putok ng baril mula sa labas ng bahay.

Agad umanong lumabas si Eterno at doon ay nakita niyang duguang nakabulagta na sa semento ang kasamahang si Arellano.

Nasamsam ng SOCO team na pinamumunuan ni PChief Insp. Nellson Sta. Maria ang dalawang fired catridge cases at mga basyo ng bala ng baril.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa nangyaring krimen para makilala ang nakatakas na suspek.