Home>News>Metro>Dalaga laging nasasabon ng tiyahin nagbigti sa QC

Dalaga laging nasasabon ng tiyahin nagbigti sa QC

NAGBIGTI ang isang 21-anyos na dalaga na palagi umanong sinesermunan ng kaniyang tiyahin sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Huwebes ng umaga.

Ang nakabigting katawan ng biktima ay natagpuan ng kaniyang nakakatandang kapatid sa loob ng kanilang tahanan sa Bgy. Bagong Silangan, Quezon City, bandang alas-7:30 ng umaga nitong Huwebes.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Anthony Tejerero, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), lumilitaw na madalas umanong pagalitan ng kaniyang tiyahin ang dalaga sa iba’t ibang kadahilanan.

Bago natagpuan ang nakabigting bangkay ng dalaga ay napunta pa ito sa kaniyang lolo na nasa tabi lamang ng kanilang bahay at nagpakita ng premonisyon na nais na nitong mamatay.

Ayon sa kapatid ng biktima, naalimpungatan umano siya sa pagkakatulog nang makarinig ng ingay mula sa kaniyang mga kamag-anak kaya agad siyang bumangon at doon ay nakita niya ang nakabigting katawan ng kapatid sa loob ng silid nito.

Agad na ibinaba sa pagkakabigti ang dalaga at isinugod pa ito sa Maclang Hospital pero idineklara itong dead-on-arrival bandang 7:36 ng umaga, ayon kay Dr. Chester Necodemus.

Publication Source :    People's Tonight