Dalaga nag-utos pang itapon bulok, nilaglag na fetus

December 13, 2018

KALABOSO ang 27-anyos na dalagang machine operator na nag-utos pa sa kanilang utility man na itapon ang nangangamoy ng fetus na kanyang inilaglag kahapon ng umaga sa Makati City.

Nabuko ang ginawang pagpapalaglag ni Maria Shyneel Santos, machine operator ng MME Incorporated, sa 2100 Rocha Bobois Building, Pasong Tamo Ext., Magallanes, makaraang bulatlatin ng inutusan niyang utility man ang ipinapatapong basura ng suspek dakong alas-8:45 ng umaga kahapon.

Sa ulat na nakarating kay Makati police chief Senior Supt. Rogelio Simon, dumaing ng labis na pananakit ng tiyan si Santos sa kanilang department head na si Ronanne Bernabe noong araw ng Lunes, Disyembre 10 bago nakitang nagtungo sa comfort room.

Nakiusap pa umano ang suspek kay Bernabe na pahiramin muna siya ng damit at bag na kaagad namang tinugunan ng huli.

Makaraan ang halos dalawang oras, napansin ni Bernabe ang labis na panghihina at pamumutla ng kawani nang lumabas na ng comfort room kaya’t pinayuhan muna niya itong magpahinga at huwag munang magtrabaho.

Kahapon ng umaga, inutusan ni Santos ang utility man na si Michael Bautista na itapon ang nangangamoy ng basura sa kanyang tanggapan subalit bago ilagay ng lalaki sa garbage area ang ipinapatapon ng suspek, naisipan niyang bulatlatin ito dahil sa kakaibang amoy at laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang isang fetus.

Dito na isinumbong ni Bautista sa kanilang department head ang natuklasan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong abortion sa Makati City Prosecutor’s Office.