Dalaga pinukpok ng martilyo sa ulo kapitbahay

October 17, 2019

TINAPOS sa dahas ng 22-anyos na dalaga ang alitan nila ng kanyang kapitbahay makaraang abangan ang biktima at hatawin ng martilyo sa noo kahapon ng umaga sa Valenzuela City.

Nadakip naman ng mga barangay tanod at mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 2 ang suspek na si Sarah Daris Hasan ng Sitio Cabatuan, Bgy. Gen. T. De Leon habang isinugod ng kanyang mga kaanak sa Valenzuela Medical Center ang duguang biktimang si Rosalinda Acosta, 34, na kaagad nalapatan ng kaukulang lunas.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, matagal ng may alitan ang suspek at biktima sa hindi pa nabatid na dahilan na naging sanhi upang ireklamo sa barangay ni Acosta ang kapitbahay.

Matapos mabigo si Barangay Chairman Alfren Caiña ng barangay Gen. T. De Leon na mapagkasundo ang dalawang panig, ipinasiya niyang i-akyat na ang usapin ng magkapitbahay sa kanilang Lupon na didinig sa reklamo ni Acosta.

Gayunman, bago pa makapaglabas ng “certificate to file actions in court” ang mga miyembro ng lupon ng barangay, inabangan na ni Hasan ang kaaway at nang makitang naglalakad patungo sa isang sari-sari store sa Blk 6 Compound 3, Sitio Cabatuan, Gen. T. De Leon dakong alas-10:30 ng umaga, kaagad niyang sinabunutan ang kaaway bago hinataw ng martilyo sa noo.

Nang duguang nahandusay ang biktima, sunod-sunod na tadyak pa ang pinawalan ni Hasan hanggang sumaklolo na ang mga barangay tanod at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa dalaga at pagkakakumpiska sa ginamit na martilyo.

Sa halip na kasong pam-barangay lamang ang haharapin ni Hasan, sinampahan siya ng pulisya ng attempted murder sa piskalya ng Valenzuela city.