Dalagang lasing, hinalay ng kasama sa trabaho

December 28, 2018

NAGING susi ng kapahamakan sa isang dalagang call center agent ang pagpapaunlak sa paanyaya ng kanyang kasamahan sa trabaho na makipag-inuman makaraang malasing at pagsamantalahan ng isa sa naging kainuman kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Hindi na nagawang makapanlaban ang biktimang itinago lang sa pangalang Dolly nang mamalayan niyang gumagapang na ang mga kamay ng pangahas na lalaki sa maseselang bahagi ng kanyang katawan habang nagpapahinga siya at nag-aalis ng kalasingan sa loob ng silid ng kasamahan sa trabaho.

Sa imbestigasyon ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Pasay police, nagpaunlak umano si Dolly sa paanyaya ng kasamahan sa trabaho na makilahok sa kanilang inuman sa kanilang bahay sa Bgy. 127 kung saan nakasama rin sa tagay ang suspek na si Kerr Delos Reyes ng 639 Tolentino St. Bgy. 127.

Dakong alas-11 ng gabi nang makaramdam na ng labis na kalasingan ang biktima kaya’t inalalayan siya ni Delos Reyes para magpahinga muna sa silid ng kasamahan sa trabaho upang mahimasmasan.

Paglapat ng likod ng biktima sa kama, mabilis siyang nakaidlip subalit naalimpungatan nang maramdamang gumagapang na ang kamay ng suspek sa kanyang dibdib hanggang sa kanyang kaselanan bago puwersahang hinubad ang suot niyang panloob at tuluyang inilugso ang kanyang puri.

Nang magkaroon na ng sapat na lakas, dali-daling lumabas ng silid si Dolly at kaagad na nagtungo sa himpilan ng Pasay city police upang magharin ng reklamo na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Kasong paglabag sa R.A. 8353 o Anti-Rape Law ang isinampang kaso ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.