Dalagita nakitang patay, walang panty sa bahay

KARUMALDUMAL ang sinapit ng isang 18-anyos na dalagita na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay nang matagpuan itong walang saplot pang-ibaba  sa loob ng kanyang tahanan sa Bgy. Payatas, Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.

Ang biktima na nakilalang si Allison Dacillo, 18, at residente ng 25 La Trinidad St., Bgy. Payatas B, Quezon City ay natagpuang patay at may  mga malalalim na  saksak sa leeg, kaliwang braso at kanang tagiliran.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)- Batasan Police Station 6, dakong alas-5 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang tahanan.

Batay sa pahayag sa pulisya ng testigong si Alonica Alba,  residente rin ng naturang barangay, nakaamoy umano siya ng masangsang mula sa loob ng silid ng biktima.

Napuna umano ni Alba na bahagyang nakaawang ang pinto ng silid kaya’t naisipang sumilip doon at dito na bumulaga sa kanya ang duguang bangkay ng biktima, na nasa ibabaw pa ng higaan nito at walang saplot pang-ibaba.

Agad namang humingi ng tulong sa mga kapitbahay  si Alba at saka nila inireport sa barangay at pulisya ang natuklasan.

Ayon kay P/Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng QCPD-PS-6, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na Biyernes pa ng tanghali nang huling makitang buhay ang biktima ng kanyang mga kapitbahay.

Natukoy rin na isang Grade 10 student ang biktima at mag-isa lamang nakatira sa bahay dahil nasa ibang bansa ang kaniyang mga magulang.

Dagdag pa ni Villanueva, magulo ang bahay ng biktima at posibleng pinasok ng di-pa nakilalang suspek habang natutulog ang dalaga.

Isasailalim rin sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy kung ginahasa nga  ito bago pinatay dahil na rin sa wala itong saplot pang-ibaba nang matagpuan.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung sino ang mga taong nasa likod ng krimen upang mapanagot ang mga ito sa batas.