Dalagita ‘nakuha’ ng pintor sa tamis ng salita

August 22, 2019

BINUSOG sa pangako at matatamis na pananalita ng 45-anyos na pintor ang dalagitang ka-chatmate hanggang mahimok na makipagtalik sa kanya kapalit ng salapi at bagong damit sa Navotas City.

Sa ulat na isinumite ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa tanggapan ni city police chief P/Col. Rolando Balasabas, dalawang buwan na nakipagpalitan ng mensahe sa pamamagitan ng chat ang 16-anyos na dalagitang itinago sa pangalang “Mitch” sa suspek na si Celestino Polido, Jr. kaya’t napalagay ang loob ng biktima sa lalaki.

Ilang ulit umanong pinadalhan ng mensahe ni Polido si Mitch at hinimok na lumabas at niyakag pang makipagtalik kapalit ng halaga ng salaping kanyang ipagkakaloob sa dalagita.

Kamakalawa dakong alas-6:30 ng gabi, napilitang makipagkita ang biktima sa  suspek na umano’y nangakong lalabas sila upang ibili ng damit ang dalagita.

Gayunman, nang magkita ang dalawa, dinala umano ng suspek si Mitch sa bahay ng suspek sa K-CC Venter Deck Kapitbahayan, Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS) at dito ginawan ng kahalayan ang dalagita.

Binigyan pa umano ng hindi batid na halaga ng salapi ni Polido ang dalagita bago pinauwi kaya’t pagdating sa kanilang bahay ay isinumbong sa kanyang ama ang ginawang panghahalay sa kanya ng lalaki.

Humingi naman ng tulong ang ama ng biktima sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong Rape at Simple Seduction.