Dating newsman inambus

September 29, 2019

Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pananambang sa isang dating mamamahayag at dating opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa harap mismo ng kanitang tirahan sa Quezon City nitong Sabado ng hapon.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang namatay habang isinusugod sa ospital ay nakilalang si Macalinding Abdulrashid D. Ladayo Sr., 53, may asawa, tubong Lanao, at dating  executive assistant ng PCUP.

Naganap ang pananambang dakong alas-3:25 ng hapon sa tapat ng tahanan ng biktima sa Engineering St. Corner Manager, Sangandaan, Quezon City

Kabababa lamang umano sa kanilang kotse ang misis ng biktima nang tapatan ng di-pa nakilalang gunman na nakasuot ng mask at helmet sakay ng motorsiklo at pinagbabaril si Ladayo.

Si Ladayo ay dating reporter ng Bandera at Manila Times, at naging opisyal din sa PCUP, at nitong huli ay sinasabing tumutulong-tulong ito  sa mga press releases ng  Department of Agriculture (DA).

Agad namang iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa pamunuan ng QCPD na lutasin agad ang naturang pananambang sa dating opisyal ng PCUP.

Masusi namang nag-iimbestiga ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) upang alamin ang motibo sa naganap na pananambang para sa pagkakilanlan ng nakatakas na ‘gunman’.

Inaalam din kung ang naganap na ambush ay may kinalaman sa trabaho ng dating mediaman.