Department of Justice chief may conflict of interest sa Okada case?

December 20, 2018
Menardo Guevarra
Menardo Guevarra

Namumuro sa conflict of interest si Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra sa isyu ng Okada Manila.

Lumitaw ang nasabing isyu nang buhayin ni Guevarra noong ika-7 ng Disyembre 2018 ang kasong estafa na inihain ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI) laban kay casino mogul Kazuo Okada na una nang ibinasura ng Parañaque City Prosecutor’s Office noong Mayo 2018 dahil sa kawalan ng sapat na batayan.

Napag-alaman mula sa isang mapagkakatiwalaang source na nagtatrabaho pala ang anak ng DoJ secretary na si Menardo Guevarra Jr. sa TRLEI, operator ng Okada Manila, bilang Risk Management officer.

Ayon sa source, kinuha ng TRLEI ang batang Guevarra para sa nasabing puwesto noong ika-2 ng Hulyo 2018.

Nangyari ang pagkuha ng TRLEI sa batang Guevarra matapos itong maghain ng Petition for Review noong Hunyo 2018 kaugnay ng pagbasura ng lahat ng kaso laban kay Okada.

Matapos mabasura ang kaso laban kay Okada, nagpakita ng kakaibang interes ang DoJ secretary rito at agad ipinag-utos ang muling pag-imbestiga sa kaso, sa kahilingan na rin ng TRLEI.

Inutusan din ng DoJ secretary ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y leak sa resolution na nagbabasura sa kaso laban kay Okada.

Magugunitang iligal na tinanggal si Kazuo Okada bilang chairman ng kumpanya batay sa walang basehang akusasyon ng estafa.

Sinubukang hingan ng pahayag ng ilang reporter sa DoJ si Guevarra ukol sa isyu ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito sumasagot.