‘Di matanggap iwanan, lalaki binaril ang nobya

Nasawi ang isang babae makaraang barilin ng kaniyang kinakasamang lalaki makaraang hindi umano matanggap nito na hihiwalayan na siya ng una sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni  Batasan Police Station (PS 6) commander PSupt Joel Villanueva, ang biktima na si Divina Buere Catina, 24-anyos, walang trabaho, tubong Bicol at residente ng No. 4882 Lower Bayanihan St., Brgy. Commonwealth, QC.

Siya ay kasalukuyang inoobserbahan  sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng kalibre 45 sa likuran.

Agad namang naaresto ang suspek na live-in partner ng biktima na nakilalang si Regenaldo Bulye Galaygon, alias ‘Dong’, 53-anyos.

Batay sa inisyal na report ni PO1 John Mark Calda ng Batasan Police Station, ang pamamaril  ay naganap dakong alas-9:10 ng gabi (March 5) sa mismong tahanan ng mag-live-in partner.

Sa pahayag ng saksing si Luie Flores Orica, 28-anyos, kapitbahay ng biktima,  nagtungo umano ang suspek sa tahanan ng kaniyang live-in partner na si Catina at makalipas lamang ang ilang minuto ay naulinigan na niyang nag-aaway ang dalawa at matapos ay nakarinig na lamang siya ng dalawang putok ng baril

Doon  nakita niyang duguang tumatakbo palabas ng kanilang tahanan ang biktima habang humihingi ng saklolo kaya agad itong tinulungan ni Orica at isinugod sa nasabing ospital.

Nabatid na nakikipaghiwalay na umano ang biktima sa suspek at posibleng dahil sa hindi matanggap nito ang desisyon ng babae kaya binaril  niya ito.

Nasamsam sa crime scene ang isang kalibre 45 pistol na may magazine at may laman na  limang bala at may serial number 812978.